Sa dila, binabalasa
ang mga tamis at pait
ng kahapong napapanis
na sa limot ipupusta.
At gaya ng gamugamo na laging iniuugnay kay Rizal, masasabi kong may katwiran nga ang gamugamong iyon. Wala sa paglipad sa lawak ng kadiliman ang tunay na kaligayahan. Ito ay nasa alab – at sa alab lamang. Mas matindi ang apoy sa kanyang pusong tumutupok sa kanyang kalooban upang tumungo at makipag-isa sa apoy.
Kung hihingin din ng apoy na palaganapin pa lalo ang kanyang liwanag at init, pipiliin ko ring makipag-isa sa kanya at gawing sulo ang aking sarili - upang kahit papaano ay mas lumiwanag. Kahit pa maaabo ang aking sariling pag-iral, alam kong nakaambag naman ako sa eternal na buhay ng liwanag sa apoy.