Wednesday, May 12, 2010

Hatinggabi

Alas-dose na ng hatinggabi. Hindi pa rin ako makatulog.


Ang sabi nila, marami daw kababalaghang nangyayari kapag ganitong bilog ang buwan at saklot ng dilim ang buong paligid. Kaya pumikit ako at pinasya kong tuluyan nang lamunin ng dilim sa pagtulog.



Ngunit mas gusto ko nga yata ang kadiliman sa dilat kong mga mata. Kaya gumising ako at naglakbay sa panaginip ng madilim na katotohanan.

May natisod akong kung-ano sa aking paglalakad.




Isang kandila.


Marahil isang pagbangga sa aking katwirang kuntento na ako sa kadiliman.

Pero, oo. Mas gusto ko nga ang kadiliman.

Oo.


Ngunit ano nga kaya ang hatid nitong kandila?



Marahil hindi ko malalaman kung hindi ko susubukan, kaya sinindihan ko.



Tama.



Liwanag.

Sa sahig, nakita kong marami nang natuyong luha ang kandila. Ngunit hindi ko alam o marahil nakalimutan ko na kung bakit nga mayroon na nito dito. Matagal na ring walang aninag ng liwanag sa bahaging ito ng aking silid.


Sa aking harapan, may salamin - nakita ko ang aking sariling hawak ang kandila.


Sa aking bintana, nakita ko ang buwan – at walang bituing katabi sa pusikit na latag ng gabi.




Buti na lang, hindi laging hatinggabi.

No comments:

Post a Comment