Sunday, April 8, 2012

Purgatoryo

Grabe.



Hanggang ngayon wala pa akong grades sa majors.


Naisip ko lang, parang nakalambitin na naman ako sa oo at hindi. Parang, parang purgatoryo siguro. Naalala ko lang rin yung Purgatorio ni Dante Alighieri. Malupit din yun. Saka lahat ng kaluluwa, dumaraan sa matinding hirap. Oo nga e. Bawat terrace, iba-ibang pagpapakasakit.

Parang bawat subject. Iba-iba ring pagpapakasakit.

Yun nga lang sa purgatoryo, sigurado ang kaligtasan. Binibitin ka lang. Para siguro sa dulo, sabihin mo sa sarili mo: it's worth the wait. Pero dito sa nangyayari sa akin ngayon, bitin na nga ako wala pang kasiguruhan ang kaligtasan.

Kung ganito ang pakiramdam sa purgatoryo, alam ko na kung bakit mas masarap dumiretso sa langit.

Gusto ko sanang maligtas.

Ipinapanalangin ko na lang ang kaligtasan ko.

Saturday, April 7, 2012

Escape Velocity

11.2 kilometro bawat segundo - bilis na higit pa sa liwanag.


Ganito daw ang kailangan ng mga rocket at spaceship para makaalpas mula sa paghila ng daigdig. (Naalala ko lang tuloy yung mga ipapadala sa atin ng mga North Koreans. Hindi yata nila balak lampasan yung bilis ng liwanag. May kumakalat na advisory na iwasan daw lumabas next week. Wala lang. Baka siguro tamaan tayo ng radiation o kung ano man. Sige na nga sa loob na lang ako ng bahay. Nuclear-missile proof yata yung mga pader namin e.)

Naisip ko lang tuloy yung mga lobong pinapalipad ko noong bata ako. Sa tingin ko naman hindi naman pwedeng mas mabilis sila kaysa sa liwanag, 'di ba? Saan kaya sila pumupunta? Parang hindi naman sila lalampas ng kalawakan. Pero ang sarap lang kasi nilang panoorin.

Pataas. Nang pataas. Nang pataas. Hanggang, maglaho sila mula sa pagkakatuldok. (Mas maliit pa sa alabok.) Tapos, 'di ko na alam.

O ang mas maganda sigurong tanong, bakit ko ba sila pinapalipad? Bakit ko sila pinatatakas mula sa mga kamay ko? Nakakatawang aariin mo ang isang bagay para... para ano nga ba uli? Paliparin? Patakasin?

Siguro ganoon ang ginawa ko dahil isip-bata ako noon. Pero, hindi ba ganito pa rin naman ang gagawin ko ngayon? Sadyang maglalaan ng salapi para panoorin itong maglaho sa langit.


Economically irrational, maaaring sabihin ng isa sa mga propesor ko ngayon. Pero teka, langit?

Naalala ko tuloy ang tangi kong naging guro sa Filipino noong hayskul, si Ginoong Rodrigo G. Langit Jr. Ang dami niyang mga tanong noon. Imagine I were an alien and I will zap you if I do not find your answers substantial: (1)What is man? (2)May wika ba ang mga hayop? (3) Baka gusto mong tustahin na kita ngayon? Ano, bilis! Sagot! 


ZAP.

Ano kaya ang sasabihin niya kung ipinukol ko sa kanya itong tanong? Sa langit nga ba dumidiretso ang mga lobo? Dakilang pilosopo yun e. Baka sabihin niya na kung ganoon siguro, ang sikip na ng langit sa dami ng mga pinapalipad nating lobo. At dahil hindi naman, lohikal lamang isiping hindi dumidiretso doon ang mga lobo. Marahil ganoon na nga. Makes perfect sense.

Pero patuloy pa ring akong bumabalik sa tanong. Hindi ako makaalis. Bakit ko nga ba pinapalipad ang mga lobo?

Siguro parang gusto ko lang silang patakasin. Patakasin mula sa aking sarili? Patakasin mula sa mga daigdig? Para makita kung may iba kayang daigdig? O may iba pang sariling nag-aabang sa kung saan man? Malay ko.

May pagkasadista nga siguro ako. Kahit na alam kong hindi sila makakatakas, paulit-ulit at walang palya ko silang pinapalipad at hinihintay na maglaho - hindi sa pag-asang aabot sila ng langit. Noong grade five pa lang ako, naituro na sa aking kailangan ng escape velocity.

Siguro masarap lang talaga ang tumakas, kumawala, parang magtaglay ng pambihirang damdaming malaya... kahit na hindi naman magtatagal, o hindi naman talaga totoo. Ewan. Siguro yun na yon, kung ano man yon.

Paulit-ulit silang magpupumilit tumakas, lilipad pero hihilahin din at ihahalik pabalik sa daigdig.

Pagdilat


Gusto ko sanang ipaalam sa iyo
kung gaano na kabigat ang pagdilat.
Ninanakaw mo
gabi-gabi
siguro ang buwan
at sa aking talukap ikinukubli?
Pero parang may iba
pang dumadagan.
Huwag mong sabihin
na ikaw rin ang nagbibitin
ng mga bituin
sa aking pilikmata?
Pero hindi ba, ako
ang nangako sa iyo
ng buwan
at mga tala? Naalala ko
na ako
ang nangako. Hindi ako
ang lilimot. Wala na
sanang buwan at bituin
sa gabi bago
ako matulog.

Deadline

Palugit ang hangganang hindi
natin nais salubungin at tawagin
sa kanyang pangalan. Patay-guhit -
sabi mo isang araw.
Natawa na lamang siya
nang tawagin mo siya noon. Parang pilit
mo raw siyang binigyan at bininyagan
ng bagong ngalan at saysay.
May kamatayan sa muling pagngalan,
sabi niya. Marahil,
naisip ko lamang,
paano pa nga ba
kikitlin ang patay-guhit?